Ilang istruktura na naging bahagi ng kasaysayan ng bansa ang makikita sa Maynila. Katulad ng ancestral house ni Severino Reyes na Ama ng Sarsuwelang Tagalog na siyang sumulat ng "Mga Kuwento ni Lola Basyang."
Sa nakaraang episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho," ipinakilala ang Heritage Walk ng Renacimiento Manila na inorganisa ng history advocate na si Diego Torres. Layunin nila na ipakita sa bagong henerasyon at ibahagi ang mga kuwento sa likod ng mga makasaysayang istruktura sa Maynila.
Kabilang sa mga ipinapakita ng grupo ang ancestral house ni Severino Reyes, ang lugar kung saan nilimbag ang pahayagang "Ang Kalayaan," maging ang Bahay Nakpil-Bautista.
Ancestral home ni 'Lola Basyang'
Sa Sta. Cruz, Manila makikita ang ancestral home ni Severino Reyes, o Don Binoy, na kilalang manunulat na may-akda ng "Walang Sugat" at "Mga Kuwento ni Lola Basyang."
Isa rin siya sa mga nagtatag ng Liwayway Magazine noong 1922, na naglathala ng "Mga Kuwento ni Lola Basyang."
Ang Lola Basyang ang naging pen name ni Severino, na hango sa kaniyang kapitbahay na si Gervacia Guzman de Zamora, na kilalang matriarch mula sa pamilya Zamora sa Quiapo, Manila.
Bilang pagkilala sa nagawa ni Severino, nilagyan ng marker ang kaniyang bahay kung saan nakatala ang kaniyang kasaysayan.
"Malaking bagay 'pag 'yung inyong bahay, may ganitong marker. Kung wala ito, hindi mo akalain na minsan sa ating kasaysayan may tumira diyan na importanteng personalidad," paliwanag ni Jessica Soho.
Pero kapansin-pansin na napabayaan na ang tahanan ni Severino na napapagitnaan ng dalawang malalaking gusali.
"The challenge sa pag-maintain ng ganitong mga bahay is maintenance. 'Pag 'yung properties ay na-abandon or nale-lease out to other people na hindi naman sa walang pakialam sa bahay," ayon kay Diego.
Sabi pa ni Diego tungkol sa pag-preserve ng mga national historical site, "Ang unang challenge kasi, it's a private property pa. Gusto ng mga current owners ay ayusin siya, magkaroon ng partnership with the government in terms of sustaining this house. But depende 'yun sa availability of funds din."
Pahayagang 'Ang Kalayaan'
Makikita naman sa Lavezares Street Corner Sevilla sa Manila, ang gusali kung saan nakalagay ang marker na nagsasaad na, "Where Ang Kalayaan was printed."
Ang "Ang Kalayaan," na ang naging pagnugot o editor-in-chief ay si Emilio Jacinto, ay ang opisyal na pahayagan ng Kataastaasan Kagalang-galangan na Katipunan ng mga Anak ng Bayan (KKK), na itinatag ni Andres Bonifacio.
Nilimbag noong 1896, ang naturang pahayagan ang gumising sa kamalayan ng mga Pilipino tungkol sa kahalagahan ng pagiging malaya mula sa mga mananakop na Kastila.
Dahil patago ang paglilimbag ng pahayagan, at para linlangin ang mga Kastila, ang inilagay na patnugot sa pahayagan ay si Marcelo del Pilar, na nasa Espanya, at kunwaring inilimbag sa Japan.
Ayon kay Melisa Dano, apo sa ikalimang henerasyon ni Jacinto, ang "Ang Kalayaan" ang ginamit noon para tipunin nang palihim ang mga Katipunero.
"Dapat nating buhayin ang ating mga historical sites sa Maynila. Nakakalimutan nila. Dinadaan-daanan. Parang balewala lang. Pero ito ang nagbigay sa atin ng kalayaan," sabi ni Melissa.
Nawasak sa digmaan ang orihinal na gusali na dating tirahan kung saan iniimprenta ang Ang Kalayaan. Ngayon, pag-aari na ng isang negosyante ang lugar.
Ang 'Bahay Nakpil-Bautista'
Sa isang eskinita naman sa Quiapo, makikita ang Bahay Nakpil-Bautista, na naging tahanan ng mga Katipunero, at mga kilalang personalidad na naging bahagi rin ng ating kasaysayan.
Kabilang sa mga tumira sa naturang bahay ang tinaguriang Lakambini ng Katipunan na si Gregoria de Jesus, na biyuda ni Andres Bonifacio.
Napangasawa niya kinalaunan ang musikero at kompositor na si Julio Nakpil.
Itinayo ang bahay noong 1914, na ngayon ay isa na itong museum na maaaring pasyalan.
"For a basic tour, it's 80 pesos. Magastos, mag-maintain. We have to ask people to pay a certain amount—budget suitable for students, for professionals," sabi ni Bobbi Santos-Viola, pangulo ng Nakpil-Bautista Foundation.
Ang tiket sa museum, iginaya sa cedula na pinunit ng mga Katipunero noong panahon ng himagsikan.
"Hindi lang pamahalaan dapat ang nangangalaga d'yan. Lahat ng mamamayan ay dapat kasama," ayon sa historian na si Xiao Chua tungkol sa pangangalagan ng mga historiall structure.
"Mahirap talagang i- preserve ang pamanang pangkasaysayan kasi talagang mahal, may cost, 'di ba? At hindi rin lahat ay ating pini-preserve. Pero pinipili natin, ano ba 'yung may saysay sa atin? Nagiging makasaysayan lang ang isang bagay kung nalalaman natin yung kuwento nito at nagiging makabuluhan na siya sa buhay natin at sa puso natin," patuloy niya. —FRJ, GMA Integrated News