Sampung taon makaraan silang ikasal sa huwes, nitong nakaraang Mayo, muling nagpalitan ng matamis na "I do" sa simbahan ang 36-anyos na si Eugene at 79-anyos na si Julia sa Pola, Oriental Mindoro.
Sa nakaraang episode ng "Kapuso Mo, Jessica," napag-alaman na taga-Hawaii si Julia, na umuwi lang sa Mindoro noong 2012, para bisitahin ang puntod ng kaniyang mister na pumanaw noong 2008.
Walang anak sina Julia at ang kaniyang asawa pero nagkaroon sila ng dalawang ampon na itinuring nilang mga anak.
Habang nasa Mindoro, nakaramdam ng pananakit ng braso si Julia, na nang panahon na iyon ay 69-anyos pa lang.
Nagpahanap siya sa kamag-anak ng puwedeng magmasahe, na ang tinawag, ang noo'y 26-anyos pa lang na si Eugene, na kilalang masahista sa kanilang lugar.
Mula noon, naging malapit na ang loob ng dalawa sa isa't isa, lalo pa't palabiro si Eugene. Aminado naman ang binata na noon pa man ay babaeng mas may edad sa kaniya ang gusto niya.
Pero dahil sa laki ng agwat ng kanilang edad, may mga tutol sa kanilang pagtitinginan, lalo na ang dalawang anak ni Julia.
May mga nagdududa rin na baka iiwan lang ni Eugene si Julia kapag naipetisyon na ito na maging green card holder sa Hawaii.
Nang umuwi na si Julia sa Hawaii, nagpatuloy ang pakikipag-usap ni Eugene sa kaniya. At sa sumunod na taon, nagpasya si Julia na bumalik sa Pilipinas at nagpakasal sila ni Eugene sa huwes.
Sa naturang kasal, hindi dumalo ang mga anak o kahit sinong kamag-anak ni Julia. Samantalang tanggap naman ng mga magulang ni Eugene ang desisyon nitong magpakasal sa babaeng mas matanda sa kaniya.
Kasunod nito, ipinetisyon na ni Julia si Eugene para makasunod na rin ang lalaki sa Hawaii. Ngayon, 10 taon na silang nagsasama bilang mag-asawa.
Dahil na rin sa edad ni Julia, si Eugene na ang nagtatrabaho sa kanila bilang caregiver. Inaalagaan niya rin ang kalusugan ng kaniyang asawa.
"Hindi ko na siya pinagtatrabaho kasi may edad na siya. Gusto kong happylife yung maging buhay niya," ani Eugene.
Nagpakabit na rin si Eugene ng CCTV camera sa kanilang bahay para mababantayan pa rin niya si Julia kahit nasa trabaho siya.
Kinalaunan, nakita na rin ng mga anak ni Julia ang pagmamalasakit ni Eugene sa kanilang ina. Ngayon, tanggap na nila ang pagmamahalan ng dalawa.
"Hindi sumagi sa isipan ko na iwanan siya. Ayokong maging tama kayo sa sinasabi niyo sa akin," ayon kay Eugene.
Sa kanilang 10th wedding aniversary nitong Mayo, ni-level up nina Eugene at Julia ang kanilang pagmamahalan sa pamamagitan ng kasal sa simbahan.
Ang mga abay na lalaki ni Eugene, na kabataang binata. Habang ang abay ni Julia, pawang may mga edad na biyuda. --FRJ, GMA Integrated News