Sa ibaba, tila isang normal na komunidad lamang sa tingin ang isang barangay sa Cebu City na maraming bahay at mga maliliit na daanan. Ngunit kapag titingnan mula sa itaas o ere, makikita ang kamangha-manghang perpektong hugis oval o bilohaba ng kanilang pangunahing kalsada kung saan nakapaloob ang mga bahay. Ang lugar, mayaman pala sa kasaysayan.
Sa nakaraang episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho," sinabing kinakailangang maging maingat ang mga motorista na magagawi sa naturang barangay dahil puro one-way ang kanilang mga kalye.
Sinadya raw na ganoon ang dinisenyo ng daanan para mabilis ding makaresponde ang mga awtoridad sa oras ng emergency tulad ng sunog at bagyo.
Mayroon tinatayang 10,000 residente sa naturang barangay na kung tawagin-- Hipodromo, na dati palang karerahan ng kabayo.
Symmetrical o magkakahugis ang mga lupang kinatitirikan ng mga bahay, at hinahati sa magkabilang dulo ng mga mahahabang eskinita.
Nang hindi na ginagamit ang naturang karerahan, ginawa itong relocation area ng pamahalaan.
Ang pinaka landmark o kilala sa barangay, ang isang bahay na kung tawagin ay “blue house,” na lugar kung saan nakatayo noon ang isang entablado.
Bago sumiklab ang ikalawang digmaang pandaigdig, masigla umano ang industriya ng karerahan ng mga kabayo sa lugar.
Ang main road ng Barangay Hipodromo na siyang nakikitang bilohaba sa ere ang daan kung saan mismo tumatakbo at nagkakarera ang mga kabayo. Habang ang "blue house" ang puwesto noon ng blue deck o grandstand.
Ang dating entrada o pasukan sa karerahan, ginawa nang basketball court ngayon.
Natigil ang operasyon ng karerahan ng kabayo sa lugar noong sumiklab ang digmaan. Sinubukan itong muling buhayin pagkatapos ng World War 2, pero hindi na naibalik ang dati nitong sigla.
Taong 1965 nang ginawang relocation site ang lugar, kung saan pinalitan ng sementadong kalsada ang race track na dating gawa sa lupa at napalibutan ng mga kongkretong bahay ang lugar.
Ngunit hindi nakalimot ang mga taga-Barangay Hipodromo sa kanilang kasaysayan dahil idinisenyo na rin nila ito sa official seal ng kanilang barangay.-- FRJ, GMA Integrated News