Dahil sa pabuya ng lokal na pamahalaan na bayaran ang bawat dagang mahuhuli sa palayan sa San Luis, Pampanga, libu-libong daga na ang nahuhuli--at walang ligtas pati ang mga bagong silang na bubuwit.
Sa programang "Born To Be Wild," sinabi ng host na si Dr. Nielsen Donato, na tatlong taon nang pinipinsala ng mga daga ang sakahan ng mga taga-San Luis.
Malaki umano ang nawawalang kita ng mga magsasaka dahil sa kinakain at sinisira ng mga daga ang tanim na palay.
Kaya ang lokal na pamahalaan, naglalaan ng P1 milyong halaga ng pabuya kada taon sa mga makahuhuli at makapagbibigay ng buntot ng mga daga.
Ang bawat daga na nakahuhuli, P5 kada buntot ang katumbas. Ang grupo ni Kennedy De Jesus na nanghuhuli ng mga daga, nakahuli ng higit 2,000 daga sa loob lang ng dalawang araw.
Ayon sa isang magsasaka, 60 porsiyento sa isang ektarya ng ani ang naapektuhan ng pamemeste ng mga daga.
Malaki raw ang naitutulong ng kampanya ng LGU laban sa mga daga para mabawasan ang pinsalang naidudulot sa kanilang tanim.
Ang mga buntot at o daga na nakokolekta, inilalagay naman sa septic tank at posibleng gawing pataba sa lupa.
Matapos isuko ang mga nahuling daga, nagtungo ang grupo nina Kennedy sa palayan dahil may mag-aani ng palay. Dito ay muli silang manghuhuli ng mga daga.
Napag-alaman na nabubulabog at nagtatalunan ang mga daga tuwing nadadaanan ng traktorang gamit sa pag-ani ang kanilang lungga.
Sumama si Doc. Nielsen sa paghuli ng mga daga. Dito nalaman niya na umaabot sa hanggang 12 bubuwit ang isinisilang ng isang inahing daga.
Nalaman din niya na bukod sa mga daga, nadadamay din at kung minsan ay napapatay ng mga tao ang mga nakikita nilang ahas o cobra sa taniman.
Dahil dito, ipinaliwanag ni Doc. Nielsen sa mga tao na makatutulong sa kanila ang mga ahas o cobra sa pagsugpo sa mga daga.
Aniya, predator o kinakain ng mga cobra ang mga daga. Kaya hindi dapat patayin ang mga ahas at sa halip ay iwasan na lamang ang mga ito.
Tunghayan sa Born to be Wild ang maaksyong panghuhuli ng mga magsasaka sa mga daga sa San Luis kasama si Doc. Nielsen.-- FRJ, GMA Integrated News