Katulad ng maraming bagay, sumasabay na rin sa modernisasyon ang kalesa. Ang isang bersiyon nito ngayon, ang "Siklesa," na maaari daw na maging pangunahing paraan ng pagbiyahe ng mga Pinoy sa hinaharap.
Ang Siklesa ay motorsiklo na may bagon na hinahatak sa likod. Makabago man sa paningin, mapapansin na gawa pa rin sa native materials sa katawan nito tulad ng banig at mahogany.
Sa programang “AHAmazing Learning”, sinabi ang entrepreneur na si Lorenzo Vega, ang founder ng Siklesa, na collaboration nila ng kaniyang lolo ang konsepto ng modern kalesa.
“’Yung vision talaga namin sa Siklesa was really simple. Gusto namin makuha ‘yung heritage, ‘yung past and ‘yung pride ng pinoy and i-combine natin with contemporary technology like motorcycles or electric [bike] and gumawa kami ng vehicle for the future,” saad niya.
“We wanted something that felt very past, parang you know pang-prinsesa, regal. Mayroon siyang 360-degree panoramic view para ma-feel mo talaga ‘yung hangin. Mapi-feel mo ang spirit ng Pinas whether you're in Pampanga or Metro Manila. We wanted it to be very roomy, we wanted it to go fast, mabilis siya,” dagdag pa niya.
Binanggit din ni Vega na gas-powered pa ang Siklesa noong 2017 pero pinangarap na nila noon pa na gawin itong electric.
“Creating prototype was much more challenging because of technology issues. The fact na hindi siya readily available and of course ‘yung market acceptance. Pero I'm pleased to say we finally created ‘yung electric siklesa which I think ‘yung totong future ng transportation natin sa Pinas,” sambit niya.-- FRJ, GMA Integrated News