At tinanong siya ng mga tao. Samakatuwid, ano ang dapat naming gawin? Ang sagot ni Juan Bautista sa kanila, “Sinumang mayroong dalawang balabal, ibigay mo ang isa sa wala. Gayon din ang gawin ng sinumang may pagkain.” (Lucas 3:10-18).

SA mga panahong ito, mahirap na talagang malaman kung ano ang totoo at kung ano naman ang peke. Ang isang kadahilanan nito ay masyado na kasing palasak ang mga imitasyon o isang bagay na kinopya mula sa orihinal.

Kaya may babala ang pamahalaan sa publiko laban sa mga produktong binibili nila. Sapagkat mahirap talagang kilatisin kung ano ang orihinal sa peke dahil hindi mo basta-basta mapapansin at mahahalata ang pinagkaiba ng produkto.

Napakahusay manggaya at mandaya ng mga taong nasa likod ng imitasyon ng iba't-ibang produkto. Kaya naman marami sa mga Pilipino ang nabibiktima ng mga pekeng produkto na inaakala nilang orihinal.

Subalit sa ating buhay pananampalataya, napakadaling kilatisin at makilala ang mga taong nabubuhay sa pagkukunwari. Sila ang mga taong nagpapakilalang Kristiyano o relihiyoso subalit hindi naman nakikita sa kanilang pamumuhay ang espiritu ng Panginoong HesuKristo.

Sa madaling salita, ang kanilang pananampalataya ay walang matatawag na lalim. Ang pagpapahayag nila na sila ay Kristiyano ay namumutawi lamang sa kanilang mga bibig, at hindi bukal sa kanilang puso.

Mababasa natin sa Mabuting Balita (Lucas 3:7-18) na sinabihan ni Juan Bautista ang mga taong lumalapit sa kaniya na kailangan nilang ipakita sa pamamagitan ng kanilang mga gawa na sila'y nagsisisi na sa kanilang mga kasalanan. (Lk. 3:8)

Madaling sabihin na tayo ay mga anak ng Diyos at mga Kristiyano. Ngunit ang mga pananalitang ito ay nagmumula sa ating mga labi subalit hindi naman talaga nakikita sa ating pamumuhay. Tulad ng isang produkto na kawangis ng orihinal pero ang katotohanan ay isa peke pala. (Lk. 3:8)

Minsan mahirap talagang panindigan at maipakita ang ating pananampalataya sa Panginoong Diyos. Dahil na rin sa mga pagsubok na humahamon sa ating buhay pananampalataya.

Ito ang mga tukso na inuumang ni Satanas sa mga nananampalataya kay Hesus. Sapagkat ang layunin ng demonyo ay masira ang ating ugnayan sa ating Panginoon.

Itinuturo sa atin ng Pagbasa na maipapakita natin ang totoong pagiging Kristiyano natin kung matututo tayong magbigay at magparaya sa ating kapuwa na nangangailangan ng ating tulong--sa malaki o maliit man na pamamaraan.

Winika ni Juan Bautista sa Ebanghelyo na kung mayroon tayong dalawang baro o balabal ay ibigay natin ang isa sa mga taong walang maisuot. (Lk. 3:10)

Kung mayroon tayong pagkain lalo na kung umaapaw ito sa ating hapag kainan ay dapat ipamahagi sa wala. Hindi kawalan kung ibabahagi naman natin ang ating sobrang pagkain para sa mga taong wala ng makain dahil sa kahirapan. (Lk. 3:10)

Sa isang maikling pananalita, nais ipaalaala sa atin ng Pagbasa ang pagiging makatao natin sa ating kapuwa. Kung talagang nais natin maligtas at makamtan ang buhay na walang hanggan na inaasam natin.

Hindi tayo basta basta maliligtas at magkakaroon ng buhay na walang hanggan, kung hindi natin kayang isabuhay ang ating pananampalataya sa Panginoong Diyos.

Hindi bastante ang pagdarasal, pagsisimba at pamamanata lamang kung ito ang gagamitin nating pamantayan ng ating kaligtasan.

Sapagkat winika mismo ni Hesus na hindi lahat ng tumatawag sa kaniya ng Panginoon, Panginoon ay makakapasok sa Kaharian ng Langit. Kundi ang mga tao lamang na sumusunod sa kalooban ng Kaniyang Amang nasa Langit. (Mateo 7:21)

Manalangin Tayo: Panginoon, tulungan Niyo po kami na maipakita namin ang aming pananampalataya sa aming mga gawa at hindi sa lamang sa salita. AMEN.

--FRJ, GMA News