Isang babaeng binaril sa ulo pero nabuhay, lalaking baldado na nakalakad, mga taong masama ang pakiramdam na guminhawa. Ilan lang umano ito sa mga himalang nagawa ng isang bato na sinasabing kawangis ng Birheng de Regla na nasa loob ng isang kuweba sa Masbate.
Ang kuweba, matatagpuan sa isang isla sa Barangay Iniwaran.
Para marating ang lugar, mula sa sentro ng bayan ng San Pascual ay kailangang sumakay ng bangkang de-motor, at isang oras at kalahati ang kailangang lakbayin.
Sa loob ng kuweba, may tubig na bahagyang dumadaloy sa ulunan ng bato na kawangis ng berhin. Ito raw ang iniinom at ipinapahid sa katawan ng mga taong gumagaling sa kanilang karamdaman.
Si Mang Marcelino, 15 taon nang hirap makalakad at kailangan lagi ang tungkod matapos na mabali ang isa niyang paa dahil sa aksidente.
Nang mabalitaan niya ang mga kuwento ng himala sa kuweba, nagtungo siya sa kabilang isla at kumuha ng tubig na siyang ipinapahid niya sa nabaldadong paa.
Pagkaraan lang daw ng isang buwan, nagawa na niyang makalakad nang walang gamit na tungkod.
Tunghayan sa video na ito ng "Kapuso Mo, Jessica Soho" kung papaano nga ba nagsimula at nadiskubre ang naturang kuweba na dating maliit lang umano ang butas pero biglang lumaki.
Mga milagro nga ba ng Birheng de Regla ang sinasabing nangyayari sa lugar? At ano ang masasabi ng mga eksperto tungkol sa bato na sinasabing mapaghimala? Panoorin ang buong kuwento.
--FRJ, GMA News