Nagtamo ng mga sugat ang isang traffic enforcer matapos siyang banggain ng isang humaharurot na tricycle sa Aurora, Isabela.
Sa ulat ng GMA Regional TV sa Balitanghali nitong Miyerkoles, mapanonood sa isang dashcam video na tila tinatangkang parahin ng enforcer ang humaharurot na tricycle.
Lumihis pakaliwa ang tricycle, kaya nabangga ang enforcer.
Nagawa namang makatayo agad ng enforcer at nakapaglakad pero nagdire-diretso lamang ang tricycle.
Nadakip din kalaunan ng Land Transportation Office ang driver ng tricycle na mahaharap sa reklamo.
Inimpound din ang kaniyang sasakyan pero hindi na nagpaunlak ng panayam ang tricycle driver.-- Jamil Santos/FRJ, GMA Integrated News