Ganap nang duktor ang anak ng tindera ng isda na iginapang ang pag-aaral ng anak matapos na makapasa sa Physician Licensure Examination (PLE) nitong Setyembre. Pangako ng bagong duktor sa kaniyang ina, "Ako naman po ang bahala sa inyo."
Sa Facebook post ni John Nico Bernal Ronquillo, makikita larawan ng kaniyang inang si Nenita na nagtitinda ng isda at nakapaskil sa itaas ng puwesto nito ang tarpaulin ng anak na nakapasa sa naturang board exam.
Nakasaad sa post ni John Nico ang mahaba niyang mensahe ng pasasalamat sa kaniyang ina na umalalay sa kaniya hanggang sa pagkuha niya ng pagsusulit.
"Sa buong apat na araw ng board exam, kasabay ko syang gumising, kasama ko syang pumunta ng testing center, naghihintay sya sa labas At nagdarasal habang nageexam ako, kasamang nagrereview At gumigising sa akin nung mga oras bumibigay na ako sa antok," saad ng bagong duktor.
Ipinagmalaki ni John Nico na naging malaking bahagi sa paghubog ng kaniyang pagkatao ang kaniyang ina, na kinaya ang lahat para makamit ang kaniyang pangarap na maging ganap na duktor.
Kaya naman pangako ni John Nico, ang dating "bawat siya ay papalitan niya ng ako."
"Ma, ako naman po Ang bahala sa inyo. Ako na po ang magtataguyod sa iyo, Ako na po ang magsisilbi sayo, ako na po ang mag-aalaga sa inyo, ako na po ang magbibigay katuparan sa lahat ng pangarap mo para sa atin," anang batang Ronquillo.
"Hindi mo po na kailangang mangutang, Hindi na rin masusugatan Ang mga kamay mo, Ma, Hindi na mawawala Ang mga ngiti sa labi mo. Ito na po yung pangarap mo para sa akin. Ito na po yung simula ng mas marami pang magandang bagay na mangyayari sa buhay natin," patuloy niya.
Minsan nang naitampok sa special episode ng Mother's Day na "Kinaya ni Mama" ng GMA News Public Affairs ang kuwento nina Nenita at John Nico. -- FRJ, GMA News