Kamakailan lamang ay idineklara ng Department of Health (DOH) ang outbreak ng tigdas kung saan may ilang nasawi at pinakaapektado ang mga bata.
Anu-ano nga ba ang mga nakamamatay na komplikasyon nito, at bakit mahalaga ang magpabakuna?
Sa programang "Pinoy MD," inilahad ng datos ng DOH na 5,615 katao ang nagkatigdas mula Enero hanggang Pebrero 11, 2019, kung saan 3,298 ang mga 4-anyos pababa.
Ilan sa mga nakamamatay na komplikasyon ng tigdas ay pneumonia, diarrhea at encephalitis.
Sinabing bumaba ang kompiyansa ng mga tao sa programang pagbabakuna ng gobyerno nang dahil sa problema sa Dengvaxia.
Ngunit ayon kay Dr Jo-Anne Avenido De Castro ng Pediatric Infectious Diease Society of the Philippines, ang tigdas sa taong nagpabakuna ay hindi kasing lala kumpara ng sa hindi nagpabakuna.
Ang nagpabakuna ay mas mabilis rin na gumagaling. —Jamil Santos/NB, GMA News