Arestado ang isang lalaki sa Barangay 150, Caloocan matapos makipagbarilan umano sa mga pulis. Ang insidente, naganap isang oras pa lang pagkatapos magputukan sa pagsalubong ng Bagong Taon.
Ang naarestong suspek, aminadong may dalang baril pero itinangging nagpaputok siya.
Sa kuha ng cctv, nakita ang isang lalaking nakatayo malapit sa motor niya ng biglang takbo sa likod ng taxi at saka bumunot ng baril.
Sunud-sunod ang tunog ng putok ng baril at maya-maya ay kita nang may iniinda sa paa ang lalaking nakipagbarilan na umano sa isang intelligence operative ng Caloocan Police.
"May isang pulis na naka-civilian identified ng ating victim. Sinabihan niya ‘yung pulis natin na gusto raw siyang dukutin at patayin nitong ating suspek, saad ni Police Captain Mikko Arellano, Station Commander ng Bagong Barrio Police Station.
"Ngayon, kahit naka civilian ang ating pulis, agad itong rumesponde at tinanong itong lalaking ito, itong ating suspek. Paglapit ng ating pulis, agad binunutan ang pulis natin at pinutukan," dagdag niya.
Nasapul ng bala ang suspek sa kaniyang kanang paa.
Pero ayon sa pulisya, nakatakbo pa ang lalaki para magtago.
"Nang sinundan natin ‘yung blood trailings sa lugar, pumasok siya sa isang bahay. Pagkatapos noon, nakita natin nandoon din sa crime scene ang kaniyang baril na ginamit at isang granada," sabi ni Arellano.
Kargado ng bala ang baril at armado ang granada na nakumpiska mula sa suspek, ayon sa pulisya.
Pero giit ng suspek na hindi siya nagpaputok.
"Pagkakita ko po, tumakbo po ako... Hindi po ako nagpaputok," saad ng suspek.
Ayon sa pulisya, dati nang nakulong ang suspek sa kasong murder
"This certain person or our suspect is involved in gun running, gun for hire, and at the same time, pagbebenta ng ilegal na droga," saad ni Arellano.
Inaalam pa ang motibo ng suspek na nahaharap sa reklamong attempted murder, illegal possession of firearms, at illegal possession of explosives.
--VAL, GMA Integrated News