Dalawang panukalang batas ang nakabinbin ngayon sa Kamara de Representantes na naglalayong palakasin ang wikang Ingles at gamitin ito bilang paraan sa pagtuturo sa mga paaralan. Pero tutol sa panukala ang Komisyon sa Wikang Filipino dahil labag umano ito sa Saligang Batas at hindi maka-Pilipino.
Sa ilalim ng House Bill No. 5091 na inihain ni dating Pangulo at ngayo'y Pampanga Rep. Gloria Macapagal-Arroyo, nais ng mambabatas na mahasa at mapahusay pa ang kakayahan ng mga mag-aaral sa pagsusulat at magsasalita ng dayuhang wika.
Nais niya na gamitin ang Ingles bilang pangunahing medium of instruction sa araling Ingles, Matematika at Agham simula sa grade 3 sa lahat ng pampubliko at pribadong paaralan. Samantalang wikang Filipino naman ang gagamitin sa asignaturang Filipino at Araling Panlipunan.
Nais din ni Arroyo na hindi bababa sa 70 porsiyento ng oras ng pagtuturo sa mga paaralan sa secondary level ay dapat nakalaan sa paggamit ng wikang Ingles.
May hiwalay ding panukalang batas [House Bill 5397] na inihain si Parañaque City Rep. Eric Olivarez, para palakasin din ang paggamit ng Ingles sa pagtuturo sa grade school, high school, college, at vocational education.
Idinahilan niya na dapat mapanatili at mapagbuti pa ng mga Pinoy ang husay sa dayuhang wika na halos ginagamit sa buong mundo para sa pakikipagkalakalan at pagtatrabaho, lalo na sa mga malalaking industriya tulad ng Business process outsourcing.
Batay umano sa annual Business English Index (BEI) noong 2012, isang pag-aaral na ginawa umano ng Global English, at tanging ang Pilipinas ang nakakuha ng iskor na mataas sa 7.0 mula sa 76 bansa.
"Young minds must be trained to be fluent in the languege being used worldwide as this will serve as their stepping stone in a guaranteed good career in the future," paliwanag ng mambabatas sa kaniyang panukala.
FILIPINO ANG DAPAT
Para sa KWF na pinamumunuan ang Pambasansang Alagad ng Sining na si Virgilio Almario, hindi naaayon sa Saligang Batas ang mungkahi na dayuhang wika, sa halip na pambansang wikang Filipino, ang gagamitin bilang pangunahing paraan sa pagtuturo.
Sa position paper ng komisyon na inihanda bilang pagtutol sa panukala ni Arroyo, sinabi na muli lang binuhay ng HB 5091 ang mga dati nang panukala na inihain [tulad ng HB 8460 noong 2009], na Ingles ang gamitin sa pagtuturo pero ibinasura na noon ng Senado.
Idinagdag nito na nakasaad sa Saligang Batas na Filipino ang wikang pambansa, at dapat itong linangin, payabungin at pagyamin.
"Alinsunod sa mga tadhana ng batas at sang-ayon sa nararapat na maaaring ipasya ng Kongreso, dapat magsagawa ng mga hakbangin ang pamahalaan upang ibunsod at puspusang itaguyod ang paggamit ng Filipino bilang paraan ng opisyal na komunikasyuon at bilang wika ng pagtuturo sa sistemang pang-edukasyon," ayon sa posisyon ng KWF.
Tinawag din ng KWF na anti-Filipino ang panukala at sumasalungat sa mga prinsipyo ng pagtuturo na itinatakda ng UNESCO, na nagsasaad na ang patakarang pang-edukasyon na ang mga bata, lalo na ang mga nasa mababang baytang ay mas matututo sa kanilang sinasalitang wika sa halip na banyagang wika.
Kung pagbabatayan din umano ang implementasyon ng MTB-MLE (Mother Tongue-Based Multilingual Education) ng Department of Education Order #74, series of 2009, at ang nakapaloob sa bagong K-12 Curriculum Program sa ilalim ng Republic Act 10533, at ng Enhanced Basic Education Act of 2013, ang panukala na isinusulong ni Arroyo ay hindi na umano kailangan.
Paalala din ng komisyon, kung may mga pangamba ang ilan na humina sa wikang Ingles ang mga Pinoy, higit umanong dapat na ikatakot kung ang sariling wika ng mga Pilipino ang maglalaho.-- FRJimenez, GMA News