Muling uminit ang usapin sa pagbawi ng Pilipinas sa "Balangiga Bells" ng Samar matapos na banggitin ito ni Pangulong Duterte sa kaniyang State of the Nation Address. Pero alam ba ninyo na hindi lang isa kung hindi tatlo ang kampana na tinangay ng tropa ng mga Amerikano sa madugong bahagi na ito ng kasaysayan ng Philippine-American War.

Ang pagmasaker ng tropa ng mga Amerikano sa mga matatanda at batang edad 10 pataas sa Balangiga, Samar noong 1901 ay paghihiganti sa nangyaring pag-ambush at pagpatay ng rebolusyonaryong Pinoy laban sa mananakop noon na sundalong Amerikano.

Ang tunog ng kampana ang nagsilbing hudyat ng pagsalakay ng mga Pinoy laban sa mga Amerikano na nagresulta sa pagkamatay ng 48 dayuhan at malubhang pagkakasugat ng 22 iba pa.

Ngunit mas madugo ang buwelta ni General Jacob Smith na iniutos umano na patayin ang lahat ng may kakayahang magdala ng armas na edad 10 pataas at gawing "a howling wilderness" ang Samar.

Hindi matiyak kung ilan talaga ang mga Pinoy na nasawi sa naturang paghihiganti ng mga Amerikano sa mga walang labang sibilyan. May nagsasabing nasa 2,000 at may nagsasabing higit pa roon ang bilang.

Maliban sa pagpatay sa mga sibilyan, sinunog pa nila ang mga simbahan at kinuha bilang "war trophy" ang tatlong kampana--dalawang malaki at isang mas maliit.

Ang dalawang malaking kampana ay nasa F.E. Warren Air Force Base sa Cheyenne, Wyoming. Samantalang ang mas maliit na kampanya at ang pinaniniwalaang pinatunog ng mga rebolusyunaryong Pinoy ay nasa Camp Red Cloud, Uijeongbu sa South Korea. -- FRJ/KVD, GMA News