Nasawi ang isang tindera ng balut matapos siyang madaganan ng isang wing van na nawalan ng kontrol sa pantalan ng San Remigio, Cebu.

Sa ulat ni Nikko Sereno ng GMA Regional TV sa Balitanghali nitong Huwebes, sinabing inilahad ng mga saksi na nag-aabang ang wing van na makasakay sa isang barge sa Hagnaya Port.

Ngunit nawalan ng kontrol ang driver nito kaya dumire-diretso ang wing van sa terminal area ng pantalan.

"Nakasunod siya sa Vehicle B. Pagdating sa bandang ibaba, nawalan umano siya ng kontrol sa sasakyan. May ibang sasakyang nabundol ang wing van, dumiretso sa harapan, may nasagi," sabi ni Police Staff Sergeant Jeffrey Lequin, investigator ng San Remigio Police Station.

Maliban sa biktima, nasapul din ng van ang limang sasakyan, samantalang nakaiwas ang mister ng biktima.

Nasa kustodiya na ng kapulisan ang driver ng wing van, na hindi nagbigay ng kaniyang panig. —Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News