Nasawi ang isang lalaki matapos siyang bagsakan ng improvised barbell at pagsasaksakin pa ng kaniyang katrabaho dahil sa personal na alitan umano sa isang poultry farm sa Balamban, Cebu.

Sa ulat ni Fe Marie Dumaboc ng GMA Regional TV, na iniulat din sa Saksi nitong Martes, maririnig sa CCTV sa stock house ang iyak at pagmamakaawa ng isang lalaki na itigil na ang pananakit sa kaniya ng isa umanong kasamahan sa trabaho.

Ilang saglit pa, mapanonood na kumuha ng improvised barbell ang suspek at dinala sa isang kuwarto, saka ibinagsak sa biktima.

Muling lumabas ang suspek na kumuha umano ng kutsilyo bago bumalik sa kuwarto at doon pinagsasaksak ang biktima.

Matapos isakatuparan ang krimen, nasapul sa CCTV ang pag-alis ng suspek palabas ng compound.

Sinabi ng pulisya na nanggaling sa piyesta ang dalawa.

Tinitingnang motibo sa krimen ang personal nilang alitan.

Naidala pa ang biktima sa pinakamalapit na ospital ngunit nasawi kalaunan dahil sa mga tinamong sugat.

Nakikipag-ugnayan na ang pulisya sa iba’t ibang estasyon ng pulisya para sa agarang paghuli sa suspek. —Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News