Nagulat na lang ang mga freediver nang mahuli-cam ang pag-atake ng isang isdang barracuda sa isa nilang kasama habang lumalangoy sa dagat ng Mabini, Batangas. Bakit nga ba nang-aatake ang naturang isda?
Sa ulat ni Kuya Kim Atienza sa GMA News "24 Oras" nitong Martes, ipinakita ang malaking sugat na tinamo ni Caren Cruz sa likod dahil sa ginawang pag-atake sa kaniya ng isda.
"Ang akala ko tumama 'yung fins nung pamangkin niya," saad ni Cruz.
Paliwanag ni Kuya Kim, kilala sa pagiging agresibo ang mga barracuda, at isa sa mga predator ng mas maliliit na isda sa karagatan.
Nagiging agresibo rin umano ang mga barracudas kapag may naramdamang banta sa kanilang teritoryo.
At ang kanilang panlaban, ang kanilang bilis, patusok na nguso, at matalas na ngipin.
Ang mga great barracuda ay kaya umanong lumaki ng hanggang anim na talampakan, at kayang lumangoy ng 25 miles per hour.
Upang makaiwas sa atake ng barracuda, iwasan na magsuot ng makikinang na bagay na maaaring mapagkamalan ng barracuda na isda na puwede nilang kainin.
"Nagiging aggressive sila kung tingin nila merong malapit sa 'yo na puwede nilang kainin, meron kang makinang na hawak, dito sila na-a-attract kasi akala nila isa 'to sa mga isda na puwede nilang kainin," paliwanag ni Marine Wildlife Watch of the Philippines Executive Director AA Yaptinchay.
Ang kasama nang lumangoy na si Iya Reyes, sinabing may suot siyang alahas sa braso nang sandaling iyon.
"Feeling ko talaga dahil siya dito sa bangle po kasi never akong naghubad na bangle," saad niya.
"Tapos katabi niya ako," dugtong naman ni Cruz, na naghilom na ang sugat sa likod.
Sa kabila ng nangyari, sabi ni Cruz, "Hindi po namin dini-discourage 'yung mga interesado pong mag-dive. Nagkataon lang po talaga na hindi kami knowledgeable." —FRJ, GMA Integrated News