Inihayag ni Department of Migrant Workers (DMW) Secretary Hans Leo Cacdac, na wala silang natatanggap na ulat na may Pilipino na nasaktan o nasawi sa digmaan ng Israel and Hezbollah.
"We hope it stays that way at sana mag-improve ang sitwasyon," sabi ni Cacdac sa panayam ng GMA News Unang Balita nitong Martes
Nagpapalitan ng bomba ang Israel at Hezbollah sa hangganan ng Lebanon at Israel, matapos mapalipad ng rockets ang Hezbollah sa northern part ng Israel.
Ayon sa Lebanese health ministry, may halos 500 ang nasawi, at 1,645 ang nasugatan sa ginawang pambobomba ng Israeli. Kabilang sa mga nasawi ay 35 bata at 58 babae.
Inihayag ng Israeli military na binomba nila ang nasa 800 targets na konektado sa Hezbollah sa southern Lebanon sa Bekaa valley.
Sinabi ni Cacdac, na hindi aabot sa 100 ang Pinoy na nasa southern Lebanon, na malapit sa border ng Israel.
"Sa border mismo walang Pilipino pero sa southern cities and towns around less than a hundred," ani Cacdac na sinabing karamihan sa mga Pinoy sa Lebanon ay nasa Beirut.
Nakataas ang Alert Level 3 sa Lebanon, na nangangahulugan ng voluntary repatriation.
Ayon pa kay Cacdac, mayroong 430 Pinoy ang nagpa-repatriate na sa gobyerno, at nasa 100 sa kanila ang nagpatulong ngayong Setyembre.
Una rito, iniulat na nasa 11,000 ang mga Pinoy na nasa Lebanon. Muling nananawagan ang pamahalaan na umuwi na muna sila sa Pilipinas habang pinapayagan pa ang mga biyahe sa eroplano.
"We join the DFA (Department of Foreign Affairs) at ang embahada natin sa Beirut na bilang panawagan ay umuwi na habang bukas pa ang mga airport," ayon kay Cacdac.
Sinabi ni Cacdac na aabutin ng isa hanggang dalawang linggo ang immigration processing sa Lebanon para sa mga nais magpa-repatriate.
Nitong Lunes, naglabas ng abiso ang Philippine Embassy sa Lebanon para sa mga Pilipino na manatili sa kanilang mga tahanan at imonitor ang mga komunikasyon dahil sa patuloy na paglala ng sitwasyon doon.
"Filipinos in South Lebanon are advised to stay put and remain indoors until the bombing subsides and wait for the situation to stabilize," ayon sa embassy.
"Filipino nationals residing in Lebanon are advised to remain vigilant and stay informed, following recent hostilities in South Lebanon. Your safety is our primary concern. It is essential to take these communications seriously while exercising caution and judgment," dagdag nito.
Maaaring makipag-ugnayan ang mga Pinoy sa embahada ng Pilipinas sa Lebanon sa 70 858 086, at Migrant Workers Office, sa 79 110 729. — FRJ, GMA Integrated News