Nasawi ang isang tricycle driver na namamasada matapos siyang pagbabarilin ng mga hindi pa nakikilalang salarin sa Rodriguez, Rizal.

Sa ulat ni EJ Gomez sa Unang Balita nitong Miyerkoles, kinilala ang biktima na si Jaylano Reyes, 44 anyos, na tinatahak ang Riverside sa Barangay San Jose, 2 p.m. ng Linggo nang mangyari ang insidente.

“Habang binabaybay niya po, biglang dumating itong suspects… Bigla na lang pong pinaputukan itong biktima na agad naman pong namatay dahil gamit pong baril ay .45,” sabi ni Police Lieutenant Colonel Arnulfo M. Selencio, Chief of Police ng Rodriguez Municipal Police Station.

Narekober sa crime scene ang tatlong basyo ng bala.

Ayon sa kaanak ng biktima, maghahatid lang sana ng limang pasahero si Reyes nang pagbabarilin siya.

Dagdag pa ng kaanak, nagtamo si Reyes ng dalawang tama sa tagiliran, isa sa leeg na pawang mga nasa kanang bahagi. Hinala niya, posibleng isa sa pasahero niya ang bumaril sa kaniya.

Isinaad ng pulisya na walang CCTV sa lugar.

“Pero may witnesses nga po kaming nakausap na nagsasabi na ‘yung suspek natin ay before mangyari, day before ay talagang hinahanap na nila ‘yung biktima,” sabi ni Selencio.

Natukoy na ng pulisya ang isa sa mga suspek, na residente ng Barangay San Isidro, Rodriguez, Rizal at  isa umanong drug personality.

Patuloy na inaalam ang motibo ng pamamaril, pati na rin ang manhunt operation sa identified suspect at iba pang sangkot sa krimen.

--Jamil Santos/ VAL, GMA Integrated News