Inihayag ng Department of Foreign Affairs (DFA) na naghahanda ang Philippine Embassy sa Beirut sa posibleng mass repatriations ng mga Pinoy sa Lebanon sa harap nang tumitinding hidwaan ng Israel at grupong Hezbollah.
“Ang Embassy po natin doon led by Ambassador Raymmond Balatbat... has been coordinating naman with the Filipino community in taking the steps necessary to initiate mass repatriation in case the need arises, the violence multiplies and it start affecting those neighborhood where there are Filipinos,” pahayag ni DFA Assistant Secretary Robert Ferrer sa panayam ng Super Radyo dzBB nitong Miyerkoles.
Ayon kay Ferrer, hindi pa nais ng pamahalaan ng Pilipinas na magpatupad ng mandatory repatriation sa Lebanon dahil maraming Pilipino doon ang hindi pa nais umalis.
Sa ngayon, Alert Level 3 ang umiiral sa Lebanon na boluntaryo pa lang ang repatriation.
Itataas sa Alert Level 4 ang sitwasyon o mandatory evacuation kapag nagkaroon ng “large-scale internal conflict or full-blown external attack” sa lugar na may mga Pilipinas sa Lebanon.
Una rito, sinabi ng DFA na mahigit 11,000 ang Pinoy na nasa Lebanon, na karamihan ay nasa Beirut.
Mayroon na umanong 500 Pilipino ang nakabalik na sa bansa mula sa Lebanon mula nang magsimula ang palitan ng bomba ng Israel at Hezbollah.
Mayroon pang nasa 1,205 na Pinoy ang nagpahayag ng intensyon na umuwi sa bansa, ayon sa DFA.
Inulit ng Philippine Embassy sa Beirut ang panawagan sa mga Pilipino sa Lebanon na umuwi muna sa Pilipinas habang pinapayagan pa ang pagbiyahe ng commercial flights.
Sa ngayon, sinabi ng opisyal ng DFA na wala pang Pilipino na nasaktan o nasugataan sa nangyayaring hidwaan ng Israel at Hezbollah.
“Natutuwa kami dahil wala pa, salamat sa Diyos, malaking pasasalamat sa Diyos, wala pang Pilipinong nasaktan doon sa successive waves ng atake ng Hezbollah sa Lebanon, including this one neighborhood in southern Beirut na tinatawag na Hezbollah enclave,” ani Ferrer.
“The DFA wants to reassure everyone that the Philippine Embassy sa Lebanon at ang mga opisyal natin dito sa Maynila ay ginagawa ang lahat para magkaron ng kaligtasan ang mga kababayan natin doon sa Lebanon,” dagdag niya.
Sa hiwalay na panayam ng GTV Balitanghali, tiniyak ni Department of Migrant Workers (DMW) Secretary Hans Leo Cacdac, ang suporta ng pamahalaan ng Pilipinas sa mga Pinoy na uuwi ng bansa.
Ang Hezbollah ay paramilitary group sa Lebanon na sumusuporta sa grupong Hamas sa Gaza sa laban nito sa Israel.--FRJ, GMA Integrated News