Sa harap ng panawagan ng ilang kongresista, idineklara ni Vice President Sara Duterte nitong Miyerkoles na hindi siya magbibitiw sa kaniyang puwesto.

“Hindi ako aalis dito dahil inilagay ako ng mga tao dito believing that I will work for the country. That is what we did. We worked,” pahayag ni Duterte sa press conference.

Nitong Martes, sinabi ni House Assistant Majority Leader Jil Bongalon na puwedeng magbitiw sa puwesto si Duterte kung hindi na nito kayang gampanan ang kaniyang tungkulin dahil sa hindi pagdalo sa mga pagdinig tungkol sa hinihinging pondo ng Office of the Vice President para sa 2025 na mahigit P2 bilyon.

"Kung hindi na po siya interesado sa kaniya pong duties and functions as the vice president, we can ask the vice president to step down," ani Bongalon.

Sinabi rin ni House Deputy Speaker Jayjay Suarez ng Quezon na taliwas sa itinatakdang tungkulin ang hindi pagdepensa at pagpapaliwanag ni Duterte sa tungkol sa pondo ng kaniyang opisina.

Ngunit ayon kay Duterte, sasagot siya sa 32 milyon na bumoto sa kaniya at hindi sa iilan na kongresista.

“Hindi naman kasi ako sasagot sa 'young guns' [mga kongresista] dahil kailangan ko sumagot sa 32 million na bumoto sa akin, hindi sa isa or dalawa na tao,” pahayag niya.

Iginiit ni Duterte na wala siyang ginawang mali para magbitiw siya sa kaniyang puwesto.

"Wala naman talaga akong ginawang mali. Pero kung sa tingin nila mayroon man, dalhin nila kung saan. Dalhin nila sa impeachment, dalhin nila sa korte, sasagutin namin," anang pangalawang pangulo.

 

 

Ipinaliwanag din ni Duterte na hindi nangangahulugan na wala siyang maisagot sa mga usapin kaya hindi siya nagsasalita.

"Minsan lang hindi ako nagsasalita kaya mukha siyang walang sagot. Kasi minsan ayoko na rin na magsalita kasi nakakapagod na sila. Nakakapagod ang ugali nila actually," ayon kay Duterte. --mula sa ulat ni Giselle Ombay/FRJ, GMA Integrated News