Patay na nang matagpuan ang isang 20-anyos na babaeng college student na unang iniulat na nawawala. Ang katawan ng biktima, nakabaon sa buhangin sa dalampasigan sa Lingayen, Pangasinan.
Sa ulat ni CJ Torida sa GMA Regional TV One North Central Luzon nitong Miyerkoles, kinilala ang biktima na Evalend Salting, isang college student mula sa Anda, Pangasinan.
Huling nakitang buhay ang biktima noong gabi ng September 23, 2024 sa kuha ng closed circuit television (CCTV) footage nang umalis ito sa tinutuluyang apartment sa Lingayen.
"Nakikita namin sinusundo siya ng boyfriend niya, bumabalik naman siya ng before 10 p.m.," ayon kay Rea Bacarizas, caretaker sa apartment.
Nakita rin sa ibang kuha ng CCTV camera si Salting na naglalakad sa kalsada na may hawak na cellphone.
Hanggang sa lumabas na ang anunsyo sa social media na nawawala ang biktima dahil hindi pumasok sa eskuwelahan.
Nitong Martes ng gabi, nakatanggap ng impormasyon ang pulisya sa Lingayen na may nakitang bangkay na nakabaon sa buhangin sa dalampasigan na sakop ng Barangay Poblacion.
Ayon kay Police Lieutenant Colonel Amor Mio Somine, Officer in Charge, Lingayen Police, isang pamilya na namamasyal sa dalampasigan ang aksidenteng nakadiskubre sa bangkay ng biktima.
Positibo umanong kinilala ng pamilya na ang nawawalang si Salting ang nakitang bangkay na may sugat sa ulo.
Isinailalim sa awtopsiya ang bangkay para malaman ang ikinamatay nito at kung ginahasa.
Isa mga tinitingnan ng pulisya na posibleng motibo sa krimen ay "crime of passion."
Tatlong tao umano ang hihingan ng pulisya ng pahayag kaugnay sa nangyari kay Salting, kasama na ang nobyo nito.
"Kinukuhanan ng statement, iniimbestigahan. Itinanggi niya pero hindi tayo nagtatapos doon," sabi ni Somine.
Sinisikap pang makuhanan ng pahayag ang kaanak ng biktima, ayon sa ulat.-- FRJ, GMA Integrated News