Ikinagulat ng awtoridad nang makita nila ang isang lalaking pasahero na hindi makausap nang maayos at tila "sinasapian" mula sa kotseng kanilang sinita para sana sa isang routine traffic stop sa Florida, USA. Ano nga ba ang nangyari sa lalaki?
Sa video ng Volusia County Sheriff's Office na iniulat sa GMA Integrated Newsfeed, mapanonood na lumiyad pa ang lalaki mula sa bintana ng sasakyan.
Dahil dito, inalalayan siya ng mga tauhan ng sheriff's office hanggang sa maiupo siya nang maayos sa loob ng kotse.
Tinitigan ng lalaki ang mga deputy bago siya nagtangkang umeskapo.
Gayunman, hindi nakapalag ang lalaki sa mga deputy na agad siyang pinadapa sa damuhan.
Sinuri ng mga awtoridad ang kotse ng lalaki at doon nila natuklasan na ang motoristang tila sinapian ng masamang espiritu, tulak pala ng spirit drugs at iba pang klase ng droga.
Nakuha mula sa sasakyan ng lalaki ang apat na kilo ng iba't ibang droga tulad ng MDMA o ecstasy, amphetamine, ketamine, at cannabis.
Itinuturing ito na isa sa pinakamalaking bulto ng droga na nakuha sa Volusia County.
Ni-raid din ng mga deputy ang bahay ng suspek kung saan nadiskubre ang mas marami pang klase ng droga tulad ng cocaine at psilocybin o magic mushroom.
May nakuha rin sa kaniyang 11 baril kung saan isa sa mga ito ang nakaw pa.
Kinilala ang suspek na si Carey Thomas Crownover.
Hindi nakunan sa body cam, pero may driver umano siyang kasama nang dakipin ng mga deputy sa highway.
Dinakip ang driver at ang kasama ni Crownover na kasama niya sa bahay.
Nahaharap si Crownover sa patong-patong na kaso. — Jamil Santos/ VDV, GMA Integrated News