Labis na nagulat ang aktor na si Sandro Muhlach nang sorpresahin siya ng kaniyang ina na si Edith Millare, na umuwi ng Pilipinas mula sa Amerika.

Sa video post ng aktor sa Instagram na iniulat sa GMA News "24 Oras" nitong Martes, makikita si Sandro na nasa isang restaurant nang may nagtakip sa kaniyang mga mata.

"Sino to?," tanong nang aktor.

Halos hindi kaagad nakapagsalita si Sandro nang malaman na si Mommy Edith niya ang nagtakip sa kaniyang mga mata.

Maluha-luhang niyakap ni Mommy Edith ang anak na hindi makapaniwala sa kaniyang pag-uwi.

Sa post ni Sandro, inilarawan niya ang kaniyang ina na strongest woman na nakilala niya at masuwerte raw siya na ito ang kaniyang naging ina.

"Your love and kindness mean more to me than you know. Thank you for being there for me during one of the hardest times in my life. Your love, care, and presence meant more to me than I can ever fully express," ayon sa aktor.

Umuwi si Mommy Edith para makasamang mag-celebrate ng kaniyang birthday ang anak.

"You're the best mom I could ever ask for. I love you more than words can express. Happy Birthday Mama!" pagbati pa ni Sandro.

Inihayag din ng aktor na pinagkukunan niya ng comfort and strength ang kaniyang ina.

"When I felt overwhelmed by my trauma, you were a constant source of strength and comfort. I’m still finding my way, but I feel stronger knowing that I have you by my side," sabi pa ng aktor.

Nitong nakaraang Agosto, nagsampa ng reklamo sa Department of Justice si Sandro ng rape through sexual assault and acts of lasciviousness laban kina Jojo Nones at Richard Cruz.

Itinanggi naman nina Nones at Cruz ang paratang ng aktor. — FRJ, GMA Integrated News