Sa hindi inaasahang lugar at pagkakataon nadiskubre ang husay sa pagkanta ni Martin Nievera na 42 taon na ngayon sa entertainment industry.

Sa episode ng "Fast Talk with Boy Abunda" nitong Martes, ikinuwento ng Concert King na kumakanta siya noon sa locker room's shower nang madinig siya ng isang coach.

"That's where I was discovered, in the locker room after a basketball game. Hindi ako naglaro, so kunyari naglaro ako, so ang tagal ko sa shower. Habang nung nagsha-shower, nag-e-enjoy ako sa reverb echo," kuwento ni Martin.

Awitin ni Morris Albert na "Feelings" umano ang kinakanta niya nang madinig siya ng wrestling coach na napadaan sa lugar.

"Sabi niya sa akin, 'Hey, I want you to audition tomorrow for the choir,'" sabi pa ni Martin, at naging miyembro siya ng choir.

At noong 1981, sumali si Martin sa isang California-wide talent search na mayroong mahigit 4,000 contestants at siya ang nanalo.

"Back in the day, Boy, that was big. Wala pa 'yung mga musical reality shows," ayon pa sa mang-aawit.

Tumagal umano ang naturang kompetisyon ng apat na araw at sila lang ang Pinoy contestant.

"And that's when I knew [that] this is what I want to do. I want to follow my father's footsteps [Bert Nievera], so sabi ko sa daddy at sa mommy ko, 'Please, samahan mo ako sa Philippines para I can live my dream.' And that's what I've been doing for 42 years," patuloy niya.

Sa pagdiriwang ng ika-42 anniversary niya sa industriya, magdaraos si Martin ng "The King 4Ever" concert sa Biyernes sa Smart Araneta Coliseum.

"Mag-expect sila ng nostalgia. Babalik tayo sa dati, sa mga songs ko, all the songs I've done in the last 42 years—hindi naman sa lahat na mga songs, but sana the songs I hope that they've been waiting to hear," ayon kay Martin.

Kabilang sa kaniyang special guests ay sina Pops Fernandez, The Company, Ogie Alcasid, at iba pa.

Mabibili ang ticket na nagsisimula sa halagang P840 sa TicketNet. —FRJ, GMA Integrated News