Nasawi ang isang 27-anyos na pulis matapos mabangga ng isang AUV ang sinasakyan niyang kotse sa Tumauini, Isabela.

Sa ulat ni Ivy Hernando sa GMA Regional TV One North Central Luzon nitong Miyerkules, sinabing nangyari ang banggaan sa bypass road sa Barangay San Mateo.

Lumitaw sa imbestigasyon ng pulisya na napunta ang SUV sa linya ng daan na tinatahak ng kotse kaya nangyari ang banggaan.

Nakatakda umanong mag-usap ang pamilya ng biktima at ang driver ng AUV na sugatan naman sa nangyaring insidente.

Samantala, isang 24-anyos rider ang nasawi matapos na matumba ang minamaneho nitong motorsiklo at magulangan ng pickup truck sa Barangay Magsaysay sa Bayombong, Nueva Vizcaya.

Sa imbestigasyon ng pulisya, sinasabing nag-ovetake umano ang motorsiklo sa sinusundan nitong tricycle pero nasagi niya na dahilan para matumba ang kaniyang motorsiklo.

Sumuko naman sa pulisya ang driver ng pick-up truck na posibleng maharap sa reklamong reckless imprudence resulting in homicide. -- FRJ, GMA Integrated News