Naaresto na matapos sumuko ang isang security guard na nangholdap umano sa mismong bahay-sanglaan na kaniyang binabantayan sa Rodriguez, Rizal.
Sa ulat ni Raffy Tima sa GMA News 24 Oras nitong Huwebes, isang linggong nagtago ang suspek na mismong service firearm ang ginamit para holdapin ang binabantayan niyang establisimyento.
"More or less P1.2 million yung halaga ng kagamitan at ari-arian na natangay ng suspek natin," ayon kay Police Colonel Felipe Maraggun, Provincial Director, Rizal Province Provincial Office.
Nakatakas ang suspek at nagtago pero nakakuha kaagad ang mga pulis ng mga detalye tungkol sa kaniya sa tulong ng kaniyang security agency.
"Na-profile namin at may kapatid pala itong pulis din so kinontak namin, so 'yun tumulong din nakatulong din sa effort natin," ayon kay Maraggun.
Pagkaraan ng isang linggo, sumuko ang suspek sa tulong ng kaniyang kapatid na pulis.
Nasa proseso na rin umano ang mga pulis para mabawi ang mga nakuha ng suspek sa sanglaan.
Mahaharap sa patong-patong na kaso ang suspek, kabilang ang illegal possession of firearms.
Napag-alaman na tatlong taon nang nagtatrabaho bilang security guard ang suspek sa naturang sanglaan.
Payo ni Maraggun sa mga kumukuha ng security guard, "I-profile pa rin yung mga pipiliing mga guard and yung trusted security agency." -- FRJ, GMA Integrated News