Nalasog ang katawan ng isang lalaki matapos na masagasaan ng tren sa Polangui, Albay. Ang biktima, inatake umano ng epilepsy habang naglalakad sa riles.
Sa ulat ng GMA Regional TV Balitang Bicolandia nitong Martes, sinabing nangyari ang insidente noong Lunes ng gabi sa Barangay Lanigay.
Base sa imbestigasyon ng Polangui Municipal Police Station, natumba umano ang lalaki sa riles nang atakihin ng epilepsy. Nataon naman na may paparating na tren na mula sa Naga City at patungong Ligao City, at doon na nasagasaan ang biktima.
Nagsasagawa na umano ng imbestigasyon ang Philippine National Railways sa nangyari.
Iginiit naman ng lokal na pamahalaan ang kahalagahan ng impormasyon tungkol sa pag-iingat para maiwasan ang mga katulad na sakuna lalo na ang mga nakatira malapit sa riles.
"Lalong lalo na kapag umaandar na 'yung tren na dadaan po diyan, siguraduhin po natin na malayo po tayo, at mag-ingat po lagi dahil alam po natin kung gaano kadelikado. Dahil 'yung mga ganyan, hindi katulad ng mga sasakyan na pwede silang mag-brake agad-agad," ayon kay Police Captain Kharren Formales, public information officer of the Albay Police Provincial Office. —FRJ/KG, GMA Integrated News