Patay ang isang mag-asawa, pati na ang apat na taong gulang nilang anak na babae nang sumalpok sa pick-up truck ang sinasakyan nilang motorsiklo sa Cabanglasan, Bukidnon. Ang motorsiklo, nagliyab pa.

Sa ulat ni Cyril Chaves ng GMA Regional TV One Mindanao nitong Martes, kinilala ang mga biktima na sina Nathaniel Montellano, rider ng motorsiklo, ang asawa niyang si Verlinda, at anak nilang Lexine.

Malubha rin nasugatan ang kanilang pamangkin na si John Paul Agsula.

Ayon sa mga awtoridad, nangyari ang trahediya sa pakurbang bahagi ng national highway sa Barangay Capinonan noong Sabado ng umaga.

Ang pick-up truck na minamaneho ni Charlou Camaso, ang nawala umano sa linya ng kalsada kaya nakasalpukan nito ang motorsiklo.

Sa lakas ng pagkakabangga, tumilapon ang mga biktima at nagliyab pa ang motorsiklo.

“Considering kana apil kana sa atong investigation nga ginahimo sa atong kapulisan considering nga buntag pa kini sayo. Kana atong lantawon kung ngano naka-encroach kini siya sa linya sa katung sa gidaganan sa katong motorsiklo,” ayon kay Police Regional Office-10 Spokesperson, Police Major Joann Navarro.

Sumuko naman sa mga awtoridad si Camaso na posibleng maharap sa mga reklamong reckless imprudence resulting in multiple homicide and serious physical injury. -- FRJ, GMA Integrated News