Isang bagong modus ng pagnanakaw ang natuklasang ginagawa ng isang matandang lalaking nakamotorsiklo, na kunwaring magpapatulong sa mga kabataan ngunit tatangayin pala ang hiniram niyang cellphone mula sa mga ito.
Sa ulat ng GMA Integrated Newsfeed, sinabing kasama sa mga nabiktima ang magkaibigan na taga-Bustos, Bulacan.
Nagpatulong ang matandang lalaki noong Oktubre 11 dahil nasiraan umano siya ng motorsiklo.
Ayon sa biktima, nakiusap ang suspek na itulak ang motor nito hanggang sa may court. Nang matulak ng mga biktima, naayos na ito ng suspek.
Ngunit muli na namang nakiusap ang matanda na tulungan siya ng mga biktima na maghakot ng upuan at lamesa.
“Sabi niya, iuuwi niya kami tapos papabilhin niya kami ng softdrinks tapos bibigyan niya kami ng pera,” sabi ng biktima.
Sa isang kuha ng CCTV, makikitang umangkas pa ang dalawang biktima sa motor ng suspek, bago ito inihinto ng matandang lalaki.
“Nanghiram siya ng cellphone, pang-online lang daw po tapos tinanong niya kung may load. Sinabi niya wala raw po. Sabi niya, palo-load-an lang daw po. Ano raw ang number tapos pumunta na siya roon,” anang biktima.
Pinaghintay ng suspek ang mga biktima pero hindi na bumalik ang matandang lalaki.
Sinabi ng barangay na meron pang ibang nabiktima ng katulad na modus.
“‘Yung isang bata po, iniwan, ‘yung isa po sinamang mag-load. ‘Yung isang bata iniwanan sa [tindahan ng load] tapos ‘yung isa binalikan naman. Pahiram daw ng cellphone ng isa. Hinihiram daw ng kuya. Tapos hindi na sila binalikan,” sabi ni Wichellemae Dela Cruz, tauhan ng barangay.
Gayunman, wala pang pormal na naghahain ng reklamo sa mismong estasyon ng Bustos Police. —VBL, GMA Integrated News