Nauwi sa trahediya ang pamimitas ng bunga ng santol ng isang 13-anyos na estudyante sa Balayan, Batangas matapos siyang makuryente.

Sa ulat ni Paul Hernandez sa GM Regional TV "Balitang Southern Tagalog," sinabing idineklarang dead on arrival sa ospital ang biktima.

Ayon sa pulisya, malago ang dahon ng puno na nasa Barangay Santol, at hindi napansin ng bata ang live wire.

Lumambitin pa sa puno ang katawan ng bata, at ang ama niya mismo ang nakakita sa kaniyang anak.

Paaala ng mga awtoridad sa publiko, suriin muna kung ligtas na akyatin ang mga puno.

Pinayuhan din ang mga magulang na huwag basta paakyatin sa puno ang kanilang anak--FRJ, GMA Integrated News