Patay sa tama ng bala ng baril sa ulo ang isang lalaki habang nag-aagahan sa Tiaong, Quezon. Ang suspek sa krimen, ang bayaw ng biktima.

Sa ulat ni Paul Hernandez sa GMA Regional TV "Balitang Southern Tagalog" nitong Huwebes, kinilala ang biktima na si Pedro Din, 43-anyos, tricycle driver.

Ayon sa pulisya, nag-aagahan ang biktima kasama ang ilang kaanak sa Barangay Bula nang basta na lamang  siyang binaril ng suspek na si Enrico Perez, gamit ang kalibre .45 na baril.

Batay sa imbestigasyon, sinabi ni Police Leiutenant Colonel Marlon Cabatana, hepe ng Tiaong Police Station, itinago ni Perez sa jacket ang baril at nilapitan ang biktima mula sa likod at binaril niya ito sa ulo.

Kaagad na nasawi ang biktima, habang tumakas naman si Perez.

Hindi pa batid ng pulisya ang motibo sa krimen at wala umanong alam ang pamilya kung mayroong alitan ng dalawa.

Bago pa maganap ang krimen, magkasama pa umanong nag-jogging ang dalawa, kasama ang iba pa nilang kaanak.

Natuklasan naman ng mga awtoridad na nakararanas ng depresyon ang suspek at mayroon na itong psychiatric consultation.

Patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad at pagtugis sa suspek.

Samantala, sinisikap pa na mahingan ng pahayag ang pamilya ng biktima, ayon sa ulat.--FRJ, GMA Integrated News