Arestado sa Nueva Ecija ang limang miyembro umano ng isang gun-for-hire group na nago-operate daw sa Calabarzon, ayon sa ulat ni Jun Veneracion sa Unang Balita nitong Huwebes.
Nakuha mula sa mga suspek ang limang armas, tatlong granada at isang pakete ng umano'y shabu.
Naaresto ang lima matapos silang mapara sa isang checkpoint sa bayan ng Aliaga. Sa imbestigasyon, napag-alamang grupo pala sila ng hired assassins.
"Napag-alaman namin na itong grupo pala ay napaka-notorious na grupo sa parte ng [Region] IV-A especially [sa] Batangas at saka ng Quezon kung saan ay may mga reported na sila na ginawang killings doon," sabi ni Police Colonel Richard Caballero, hepe ng Nueva Ecija Police Provincial Office.
May "lady assassin" pa raw ang grupo na kinilala ng pulisya na si Myra Hernandez, na isa umano sa kanilang mga lider.
"Usually sa grupo nagi-employ talaga ng babae para mas madali 'yung surveillance activity nila at protected sila ng kabuntot," ani Caballero.
Ayon sa pulisya, nasa Nueva Ecija ang grupo dahil meron silang minamanmanang susunod na target.
Sa kabila nito, wala naman daw kinalaman sa paparating na Barangay at Sangguniang Kabataan elections ang lakad ng grupo.
Sinusubukan pa ng GMA Integrated News na kunan ng pahayag ang mga suspek, na nahaharap sa patung-patong na reklamo. —KBK, GMA Integrated News