Ipinagbabawal na sa mga residente ng isang barangay sa Dagupan, Pangasinan na magsampay ng kanilang mga damit sa harap ng bahay dahil hindi umano ito kaaya-aya sa mga dumadaang sasakyan.
Sa ulat ng GMA Regional TV One North Central Luzon, na iniulat din sa Balitanghali nitong Martes, sinabing ito ang ipinatupad na ordinansa sa mga taga-Barangay Herrero-Perez.
Sinabi ng kapitan ng barangay na hindi kaaya-ayang tingnan ang mga sinampay lalo’t nadadaanan ito ng mga sasakyan, at maaari namang magsampay ng damit sa likod o gilid ng bahay o sa lugar na hindi madadaanan.
Kahit na naghihigpit ang barangay, ilang residente pa rin ang hindi sumusunod sa ordinansa, dahil wala silang mapagsampayan.
Sisitahin ng roving team ng barangay ang mga hindi sumusunod. —Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News