CANDELARIA, Quezon - Ilang linggo bago ang Fire Prevention Month ay sunod-sunod na insidente ng sunog ang naganap sa bansa.

Pasado alas-sais ng umaga nitong Linggo nang sumiklab ang malaking sunog sa isang gusali sa Barangay Malabanban Norte, Candelaria, Quezon.

Mabilis na kumalat ang apoy sa loob ng gusali.

Umabot sa ikatlong alarma ang sunog. Kinailangan pa ang tulong ng mga pamatay sunog mula sa mga bayan ng San Antonio, Tiaong, Sariaya, Lucena at Dolores.

Agad na lumikas ang mga residenteng naninirahan malapit sa gusali.

Pansamantalang isinara ang Maharlika Highway upang bigyang daan ang mga pamatay sunog na doble kayod sa pag-apula sa apoy.

Dakong 11:55 ng umaga nang ideklarang fire out ang sunog.

Ayon sa Bureau of Fire Protection - Candelaria, wala namang naiulat na nasugatan o nasawi sa sunog.

Sa mga oras na ito ay patuloy ang ginagawang imbestigasyon upang alamin ang sanhi ng sunog at kung magkano ang halaga ng ari-ariang napinsala. —KG, GMA Integrated News