Inabutan ng mga awtoridad na nakahandusay sa gitna ng taniman ng tubo ang bangkay ng isang ginang sa Isabela, Negros Occidental. Ang suspek sa krimen, ang kaniyang mister.

Sa ulat ni Aileen Pedroso ng GMA Regional TV News nitong Miyerkules, kinilala ang biktima na si Digna Camacho, 55-anyos, ng Barangay Camangcamang sa bayan ng Isabela.

Pinaghahanap naman ng mga awtoridad ang nakatakas na suspek na si Fredo Camacho, mister ng biktima.

Ayon sa mga awtoridad, nagtamo ng saksak sa dibdib ang biktima na naging dahilan ng kaniyang pagkamatay. Nakita rin sa lugar ang patalim na hinihinalang ginamit sa krimen.

Pinaniniwalaan na nakainom ang suspek nang pinuntahan nito sa palayan ang kaniyang asawa habang nagtatrabaho at doon sinaksak.

Matinding selos ang hinihinalang dahilan sa krimen, ayon kay Police Corporal Alfred John Lirazan, imbestigador ng Isabela Municipal Police Station.

Patuloy ang pagtugis ng mga pulis sa suspek.--Sherylin Untalan/FRJ, GMA News