Tumambad sa mga kapitbahay at opisyal ng barangay ang bangkay ng isang 68-anyos na lola na nasa loob ng kaniyang sasakyan sa Nueva Ecija. Ang suspek sa krimen, ang kaniyang menor de edad na apo.

Sa ulat ni Joan Ponsoy sa GMA Regional TV "Balitang Amianan" nitong Huwebes, kinilala ang biktima na si Virginia del Rosario, dating college dean, at residente ng Barangay Castellano sa San Leonardo, Nueva Ecija.

Ayon sa pulisya, pinuntahan ng mga kapitbahay at opisyal ng barangay ang bahay ng biktima dahil ilang araw na itong hindi lumalabas ng bahay.

Nang suriin ang sasakyan ng biktima, nakita ang kaniyang bangkay sa loob at naaagnas na.

Sa isinagawang imbestigasyon ng mga awtoridad, lumabas na ang menor de edad na apo ng biktima ang suspek sa krimen.

Ayon din sa pulisya, umamin ang apo na sinaksak niya at pinukpok sa ulo ang biktima bago niya inilagay sa sasakyan.

Idinahilan umano ng suspek na palagi siyang pinapagalitan ng kaniyang lola at tutol daw ito sa pakikipagrelasyon niya sa kaniyang nobya.

Tumanggi nang magbigay ng pahayag ang mga kaanak ng biktima, at mga magulang ng suspek, ayon sa ulat.

Nasa kostudiya ng Department of Social Welfare and Development ang suspek.--FRJ, GMA News