Patay ang driver ng isang L300 van, habang tatlo naman ang sugatan matapos nitong makasalpukan ang kasalubong na oil tanker truck sa national highway ng Capalonga, Camarines Norte.

Nangyari ang salpukan pasado alas-otso ng umaga noong Martes.

Ayon sa report ng Capalonga Municipal Police Station, galing sa bayan ng Capalonga at patungo sa bayan ng Labo ang L300 van ng makasalpukan nito ang oil tanker truck sa pababang bahagi ng highway.

Photos courtesy of Jose Panganiban LGU
Photos courtesy of Jose Panganiban LGU

Nahulog sa bangin ang dalawang sasakyan kasunod ng salpukan, dagdag ng mga awtoridad.

Naging pahirapan ang isinasagawang rescue operation dahil may kalaliman at matarik ang daanan ng bangin.

Nagtulong-tulong ang mga rescuer ng mga bayan ng Capalonga, Jose Panganiban, at Labo sa pag-rescue ng mga biktima.

Tumagal ng halos dalawang oras ang rescue operation.

Sugatan ang driver at pahinante ng oil tanker truck at ang isang pasahero ng L300 van at isinugod sila kaagad sa Camarines Norte provincial hospital.

Ayon sa PNP, accident prone area ang pinangyarihan ng aksidente.

Nagpapatuloy ang imbestigasyon ng mga pulis sa insidente. —LBG, GMA News