Iniimbestigahan ng mga otoridad ang isang foam party sa opening ng isang resort sa Bacolod City, matapos makitang walang suot na face masks ang mga dumalo habang nagsasayaw at posibleng nagsalu-salo pa sila.
Sa ulat ni Jun Veneracion sa Balitanghali nitong Huwebes, makikita sa video ang todo-hataw ng grupo habang sinasabayan ng pagbuga ng foam ang kanilang indakan.
Nangyari ito sa opening ng isang resort sa Barangay Pahanocoy noong Enero 15.
Nagsagawa na ng imbestigasyon ang Bacolod City Emergency Operations Center. Anila, may malinaw na nalabag sa minimum health protocols ang mga dumalo sa nasabing party.
"Ang mga nagpa-party na 'yan ay walang mga face masks. So ang mga protocols natin, hindi talaga nila nasunod. Worst pa ay kakain sila, magshi-share sila ng food," ayon kay Dr. Chris Sorongon.
Ipasasara ang bagong bukas na resort sakaling mapatunayang may paglabag ito.
Hindi pa nagbibigay ng pahayag ang resort.
Ayon sa datos ng Department of Health, pang-pito ang Negros Occidental sa may pinakataas na COVID-19 cases sa buong bansa, habang pang-18 naman ang Bacolod City pagdating sa mga siyudad at munisipalidad.
Zamboanga City ang nakapagtala ng pinakamaraming bagong kaso, ayon sa Department of Health, na kauna-unahang pagkakataon para sa lungsod.
Base rin sa datos ng DOH na pinag-aaralan ng GMA News Research, nagsimula ang pagtaas ng mga bagong kaso sa labas ng Metro Manila noong Setyembre sa 48,790, na karamihan ay sa mga lalawigan.
"Nakita natin 'yung holiday activities and that is the primary reason na tinitingnan nating kung bakit meron talagang pagtaas ng kaso dito sa iba't ibang lugar. 'Yung mga pagsha-shopping ng mga tao, pagbabakasyon nila sa iba't ibang lugar, pag-uwi nila sa kanilang mga kamag-anak dito sa probinsiyang ito," ani Health Undersecretary Ma. Rosario Vergeire. —Jamil Santos, GMA News