Kahit may liquor ban at enhanced community quarantine, ilang kalalakihan-kabilang ang ilang nakatatanda-ang naaktuhan ng mga awtoridad na tumatagay ng alak at may nagsusugal pa sa Bacoor, Cavite.

Sa ulat ni Oscar Oida sa GMA News “24 Oras” nitong Martes, sinabing nangyari ang insidente kamakailan kung saan ilang nakatatandang kalalakihan ang nagsusugal sa dalawang lamesa sa labas ng kanilang mga bahay.

Wala pa raw suot na face mask ang mga naaktuhang nagsusugal at hindi nagpapatupad ng social distancing.

May nakita pang dalawang lalaki na nag-iinuman naman sa harap ng isang tindahan.

Ayon kay Bacoor Police chief Lieutenant Colonel Vicente Cabatinga, sasampahan nila ng kaukulang reklamo ang mga naaresto.

“Ang ginagawa namin is ay para sainyo. Ang dami pa rin talagang pasaway kahit sa umaga,” anang opisyal na nagsabing napupuno na ang kanilang kulungan sa dami ng mga pasaway.--FRJ, GMA News