Ipinagtanggol ng isang grupo na sumusuporta sa mga Filipino migrant worker ang dalawang Pinoy nursing assistants na nakadetine ngayon sa Amerika matapos akusahang nanakit ng isang pasyente sa isang rehabilitation facility sa New Jersey.

"They were only defending themselves," ayon sa Migrante New Jersey, patungkol kina Dhenmark Francisco, 28, at Jovi Esperanza, 31.

Sinabi ng grupo na may history ng aggressive behavior ang 52-anyos na pasyente na sinasabing pinagtulungan ng dalawang Pinoy nursing aide.

Idinagdag ng grupo na ang pasyente ang unang nanakit kay Dhenmark.

"Dhenmark, who has an injury from a previous work-related incident, was assigned to this patient, who became aggressive when Dhenmark attempted to enforce the facility’s no-smoking policy," nakasaad sa pahayag ng Migrante.

"The patient threw a table at Dhenmark in anger. Dhenmark tried to follow protocol to restrain the patient but struggled due to his injured hand. This is when Jovi stepped in to assist his colleague," patuloy ng grupo.

Inaresto ng US Immigration and Customs Enforcement (ICE) ang dalawang Pinoy matapos ang insidente na nangyari noong October 14.

Ayon kay Vice Consul Paolo Marco Mapula, ang supervising officer ng Assistance-to-Nationals Unit sa Philippine Consulate General sa New York, na masusing sinusubaybayan ng konsulado ang kaso nina Francisco at Esperanza.

"We are helping them. We have also requested funds for them to help with their legal fees," sabi ni Mapula sa GMA Integrated News sa ipinadalang mensahe.

Nakadetine si Esperanza sa Strafford County Correctional Facility sa New Hampshire, habang inilipat si Francisco sa ICE detention facility sa Massachusetts.

Mayroong work permit si Francisco pero lumitaw na undocumented si Esperanza.

Ayon kay Philippine Ambassador Jose Manuel Romualdez, marami sa mga Pinoy na ilegal na nananatili sa US ang nangangamba sa pagkapanalo ni President-elect Donald Trump dahil sa pangako nitong ipapa-deport ang mga ang undocumented immigrant.

Sa isang panayam noong Linggo, pinayuhan ni Romualdez ang mga Pinoy sa Amerika na walang "any kind of status" na kusa na lang umuwi sa Pilipinas o simulan nang ayusin ang kanilang dokumento at huwag nang hintayin na ma-deport pa. —mula sa ulat ni Dave Llavanes Jr./FRJ, GMA Integrated News