Aprubado na sa komite ng Commission on Appointments (CA) ang pagtatalaga kay Hans Leo Cacdac bilang kalihim ng Department of Migrant Workers (DMW).

Sa pagpupulong ng komite, hiniling ni CA Majority Floor Leader Rep. Luis Raymund Villafuerte Jr., na irekomenda na sa plenaryo ng komisyon ang ad interim appointment ni Cacdac bilang pinuno ng DMW, na sinang-ayunan ni Senador Risa Hontiveros.

Ang kahilingan ay inaprubahan naman ni  Rep. Mercedes Alvarez, pinuno ng Committee on Labor, Employment, Social Welfare, and Migrant Workers.

Inaasahan na maisasalang din kaagad sa CA plenary si Cacdac sa Martes para opisyal na aprubahan ang kaniyang pamumuno sa DMW, na pumalit kay Susan "Toots" Ople, na pumanaw noong Agosto 2023 dahil sa karamdaman.

Noong nakaraang Mayo, muling itinalaga ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. si Cacdac bilang ad interim secretary ng DMW, matapos na hindi matalakay ng CA ang kaniyang kompirmasyon nang abutan ng pagtatapos ng sesyon ng Kongreso.

Dahil hindi pa opisyal na lumulusot ang kompirmasyon ni Cacdac sa CA bilang pinuno ng DMW, ipinagpaliban ng House appropriations committee ang pagtalakay sa panukalang 2025 budget ng naturang kagawaran.

Ang CA ay isang makapangyarihang lupon na sumusuri sa mga kalihim na itinatalaga ng pangulo na binubuo ng mga ilang kongresista at ilang senador.—FRJ, GMA Integrated News