Tiniyak ng Department of Migrant Workers (DMW) na may naghihintay na oportunidad sa trabaho ang mga overseas Filipino workers (OFWs) na babalik sa Pilipinas mula sa Lebanon na posibleng lumala ang hidwaan ng Israeli at Hezbollah groups.

Ayon kay DMW Secretary Hans Leo Cacdac, may nakalatag na post-repatriation assistance ang Department of Labor and Employment (DOLE) at Technical Education And Skills Development Authority (TESDA) para sa mga uuwing Pinoy mula sa Lebanon.

“Mayroong pagsasaayos ng trabaho nila, facilitation. Mayroong mga job opportunities na nakalaan mula sa DOLE. Meron ding mga opportunities sa kanila sa pagsasanay. Ang TESDA nandoon, nagbibigay ng mga . . . vouchers para makapili ‘yung mga nanunumbalik ng kurso sa pagsasanay at institusyon na papasukan nila,” pahayag ni Cacdac sa panayam ng GMA news na Unang Balita.

Sinabi rin ni Cacdac na tutulungan nila ang OFWs para makahanap ng trabaho sa ibang bansa.

“Mayroon ding tulong sa pagnenegosyo. Ang DMW at OWWA (Overseas Workers Welfare Administration) may programa, pati ang DSWD (Department of Social Welfare and Development) at siyempre ang DTI (Department of Trade and Industry) at Department of Agriculture,” patuloy niya.

Bukod dito, may matatanggap umanong financial assistance mula sa gobyerno ang mga uuwing OFW.

Tinatayang 11,000 ang mga Pinoy sa Lebanon, kabilang ang mga undocumented. Sa ngayon, mayroong 356 na Pinoy ang natulungan na makauwi.

Nitong nakaraang Biyernes, naglabas ng abiso ang Philippine Embassy sa Lebanon na naghihikyat sa mga Pinoy doon na umalis na habang bukas pa ang airport. Ang mga hindi aalis ng Lebanon, pinayuhan na magtungo sa mga ligtas na lugar gaya ng Beirut, South Lebanon, at Bekaa Valley .

Sa harap ng tumitinding hidwaan ng Israel at Hezbollah group, sinabi ng Department of Foreign Affairs (DFA) na wala pa silang natatanggap na impormasyon na may nasaktang Pinoy doon.

“Wala pang nasasaktan dahil sa nangyayari (pambobomba)," ani DFA Undersecretary Eduardo de Vega sa Bagong Pilipinas Ngayon.

Sinabi rin ng opisyal na may 100 Pinoy ang naninirahan malapit sa border kung saan nagkakaroon ng bakbakan ang Israeli at Hezbollah forces.

“Malapit doon sa border, maybe an hour away, kilometers away, may mga southern cities —Tyre, Sidon, Nabatieh. Yung mga 'yan, may mga 100 Pilipino ang estimate ng embahada at nananawagan sila na lumipat although depende rin 'yan sa amo nila,” dagdag ni De Vega.-- FRJ, GMA Integrated News