Bagaman ikinalugod ng ilang lider sa Mindanao ang pasya ng Korte Suprema (SC) na ideklarang legal ang Bangsamoro Organic Law (BOL), ikinadismaya naman nila ang pasya ng mga mahistrado na hindi isama ang Sulu bilang bahagi ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).
"Kahit ilang ulit nating balikan ang kasaysayan, ang Sulu ang duyan ng pakikibaka para sa isang malayang Bangsamoro. Mula noon hanggang ngayon, ito ay nananatiling simbolo ng paglaban ng mga Moro laban sa panunupil," ayon sa inilabas na pahayag ni House Deputy Minority Leader at Basilan Representative Mujiv Hataman.
Ayon sa kongresista, ang hindi pagsama sa Sulu sa Bangsamoro ay pag-aalis ng malaking kontribusyon at importanteng papel na ginampanan ng mga taga-lalawigan sa kasaysayan ng rehiyon.
"Hindi kompleto ang Bangsamoro kapag wala ang Sulu. Isang malaking dagok ito sa aming pagsisikap na maisulong ang pagkakaisa at pagkakabuklod-buklod ng mga lalawigan sa rehiyon," dagdag ni Hataman, na dating gobernador ng ARMM (Autonomous Region for Muslim Mindanao), na ginawang BARMM.
Samantala, sinabi ni BARMM Chief Minister Ahod Ebrahim, na masusi nilang pinag-aaralan ang pasya ng SC sa ginawang hindi pagsama sa Sulu sa BARMM.
“We will carefully study the Supreme Court's decision on Sulu's exclusion with the commitment to explore all avenues to hold fast to the dream of a united Bangsamoro as well as ensure that the commitments enshrined in the Comprehensive Agreement on the Bangsamoro will be fully realized,” pahayag ni Ebrahim.
“Sulu is not only an essential component of the Bangsamoro by virtue of law but also by its deep historical and cultural ties to the Bangsamoro identity and struggle. The Bangsamoro will never be the same without Sulu and its people,” dagdag niya.
BASAHIN: SC: Bangsamoro law constitutional but Sulu not part of BARMM
Una rito, nakasaad sa inilabas na desisyon ng SC na hindi dapat isama sa BARMM ang Sulu dahil sa resulta ng plebesito noong 2019 na mas malaki ang boto ng mga residente sa naturang lalawigan ang tutol na maging bahagi sila ng BARMM.
BASAHIN: Sulu voters reject BOL
Samantala, tiniyak naman ng Commission on Elections (Comelec) na tuloy ang kauna-unahang parliamentary elections sa Bangsamoro Region sa May 2025 kasunod ng desisyon ng SC, kahit hindi kasama ang Sulu sa autonomous region.
Ayon kay Comelec chairperson George Erwin Garcia, bagaman makakaapekto sa kanilang paghahanda sa halalan ng BARMM ang desisyon ng SC, dapat pa ring matuloy ang naturang eleksyon.
“Nagulat kami [sa desisyon]. Medyo malaking problema sa part ng Comelec. Aaminin po namin ‘yan… Ang paghahanda ng buong Komisyon kahit ‘yung sistema na hinahanda natin, kahit ‘yung operational plan, administrative plan ng Comelec ay kabilang ang Sulu,” pag-amin ni Garcia.
Gayunman, magsasagawa sila ng kailangang "adjustments" kaugnay sa pangyayari.
“Di namin inaasahan ang ganitong klaseng development and therefore, we would have to do the necessary adjustments. Tingnan natin kung anong adjustment ang gagawin ng Commission. In the meantime, sapat na lamang na malaman ng mga kababayan natin sa Bangsamoro that the Comelec, at this point, will proceed with the election,” sabi ng opisyal.--FRJ, GMA Integrated News