Dalawang babaeng magsasaka ang nasawi, at pito pa nilang kasamahan ang sugatan matapos silang tamaan ng kidlat habang nakasilong sa kubo sa Davao City.

Sa ulat ni JohnRyan Calonia ng GMA Super Radyo Davao sa Super Radio dzBB nitong Miyerkoles, sinabing nangyari ang insidente sa Barangay Bantol, Marilog District, nitong Martes.

Edad 49 at 53 ang dalawang nasawi, habang tatlong lalaki at apat pang babae ang nasugatan.

Base sa imbestigasyon ng awtoridad, nag-aani ang mga biktima sa sakahan nang bumuhos ang malakas na ulan kaya nagpasya silang sumilong sa kubo, na tinamaan ng kidlat.

Isinugod sa ospital ang mga biktima, at dalawa sa kanila ang idineklarang dead on arrival.

-- FRJ, GMA Integrated News