Masayang binalikan nina AiAi delas Alas at Arnell Ignacio ang kanilang relasyon bilang magkaibian na nagsimula sa kanilang pagtatanghal sa sing-along bar na kilala na ngayon bilang mga comedy bar. Sa lalim ng kanilang samahan, hindi maiwasan ni AiAi na magselos kapag may ibang naging malapit kay Arnell.

"Sa Fast Talk with Boy Abunda" nitong Miyerkoles, ibinahagi ni AiAi na nang nabuntis siya noon kay Sancho, kay Arnell siya nakitira at inalagaan siya nito.

"Inalagaan niya ako, sa kaniya ako tumira, nagluluto siya. Pero nabubuwisit din siya sa akin kasi nagpapasama ako sa kaniya sa OB-GYN eh puyat siya. Binato niya ako ng susi," kuwento ng Comedy Queen.

Gaya ng ibang magkaibigan, hindi rin daw nawawala ang away kina Arnell at AiAi.

"Binalibag din ako niyan ng mesa," kuwento ni Arnell.

Nangyari ito nang magselos si AiAi nang magkaroon ng bagong kaibigang babae si Arnell.

"Nagseselos ako kay..." pag-alala ni AiAi, ngunit hindi na niya maalala kung sino ito.

"Ewan ko riyan. Nagulat nga ako nagseselos?" sabi ni Arnell.

"Kapag friends kayo tapos parati kayong magkasama tapos 'yung parang may iba siyang [kaibigan], nagselos ako, binalibag ko yung la mesa, tinaob ko talaga 'yung lamesa," kuwento ni AiAi.

Si Arnell naman, hindi maintindihan kung ano ang ikinagalit ni AiAi.

"Nalilito nga ako bakit ganu'n," sabi ni Arnell. "Ako talaga, matapang ako lagi, pero dito takot ako," pag-amin ni Arnell patungkol kay AiAi.-- FRJ, GMA Integrated News