Sinabi ng Philippine National Police (PNP) na may iba pang nagpakilalang biktima rin umano ni Kingdom of Jesus Christ (KOJC) leader Apollo Quiboloy ang lumapit at nagpatulong sa pulisya.
Sa panayam ng mga mamamahayag nitong Miyerkoles, sinabi ni PNP spokesperson Police Colonel Jean Fajardo, na nakipag-ugnayan sa mga pulis ang nagpakilalang mga biktima noong panahon na hinahanap si Quiboloy sa KOJC compound sa Davao City para isilbi ang arrest warrant.
"During the 16-day police operation, may mga lumapit sa PNP na nagsabi na sila ay nabiktima rin ni Pastor Quiboloy," ani Fajardo.
"So we are documenting those complaints without revealing the identities of the possible victims. We are now in the process of documenting those additional complaints," dagdag pa niya.
Ayon pa kay Fajardo, sinasabi ng mga nagpakilalang mga biktima na "inabuso" sila.
Nakikipag-ugnayan umano ang PNP sa Department of Social Welfare and Development (DSWD), dahil menor de edad ang iba sa mga nagpapakilalang mga biktima.
Sa hiwalay na pahayag, sinabi ni PNP chief Police General Rommel Marbil na nagbigay ng mahahalagang impormasyon ang mga nagpakilalang mga biktima tungkol sa umano'y sistematikong pang-aabuso sa mga kabataang babae sa ilalim ng impluwensiya umano ni Quiboloy.
“These courageous victims have spoken up, revealing their harrowing experiences. The abuse they endured shows an alarming pattern of manipulation and exploitation,” ani Marbil.
“These so-called ‘inner circle pastorals’ were particularly vulnerable, with victims as young as 12 years old. Their testimonies have been crucial in uncovering the full extent of Quiboloy’s alleged crimes,” dagdag ng opisyal.
Sinisikap pa ng GMA News Online na makuha ang pahayag ni KOJC legal counsel Israelito Torreon kaugnay ng alegasyon ng PNP.
Nahaharap si Quiboloy sa patong-patong na kaso kabilang ang paglabag sa Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation, and Discrimination Act at qualified human trafficking.
May kinakaharap din siyang kaso sa Amerika patungkol sa sex trafficking by force, fraud and coercion and sex trafficking of children; sex trafficking by force, fraud and coercion; conspiracy; at bulk cash smuggling.
Dating nang itinanggi ni Quiboloy at kaniyang mga abogado ang mga paratang. — mula sa ulat ni Joviland Rita/FRJ, GMA Integrated News