Aalisin na umano ng Kuwait ang kanilang visa ban sa domestic workers mula sa Pilipinas matapos ang isang taon. Ipinatupad ang ban bunga ng sigalot sa karapatan ng employers at employees kasunod ng brutal na pagpatay sa overseas Filipino worker na si Jullebee Ranara.

Ayon sa Agence France-Presse, batay sa ulat ng KUNA news agency, inihayag ng Kuwait interior ministry na nagkaroon na umano ng kasunduan ang oil-rich Gulf state at Manila "to resume the recruitment of domestic workers" matapos ang "breakthrough" sa negosasyon.

"The countries agreed to form a joint committee pertinent to domestic labour affairs," saad sa pahayag. "This  would convene in a routine manner to address any sticking points that could potentially emerge."

Mayo noong nakaraang taon nang suspendihin ng Kuwait ang pagbibigay ng mga bagong visa para sa Pinoy matapos ang nangyaring pagpatay kay Ranara.

Enero 2023 nang makita sa disyerto sa Kuwait ang sunog na bangkay ni Ranara, na ginahasa, nabuntis, at sinagasaan ng anak ng kaniyang amo na menor de edad.

Dahil sa naturang krimen, itinigil ng Pilipinas ang pagpapadala ng mga first-time worker sa Kuwait.

Nitong September 2023, hinatulan ng korte sa Kuwait na makulong ng 15 taon ang menor de edad na akusado sa pagpatay kay Ranara.

Bago nito, ilan pang karumal-dumal na krimen na biktima ang nangyari sa Kuwait na biktima ang mga OFW.

Kabilang na ang pagkakatuklas ng bangkay ng isang Pinay sa freezer noong 2018 na pinaslang ng kaniyang mga amo. — mula sa ulat ng AFP/FRJ, GMA Integrated News