Kinasuhan ng two counts of criminal homicide ang isang 17-anyos na lalaki dahil sa umano'y pananaksak at pagpatay niya sa isang Pinay at sa 16-anyos nitong anak sa Pennsylvania, United States.
Walang piyansa na itinakda para sa suspek na si John Derwin Bradley, na inaakusahang pumatay sa mag-inang Rosalyn Siobal Glass at Rianna Lynn.
Batay sa tala ng korte, mayroon dating relasyon ang suspek at si Rianna Lynn.
Ngunit nakipaghiwalay umano ang dalagita na hindi matanggap ni Bradley.
Nitong nakaraang linggo, sinasabing pinuntahan ng suspek ang bahay ng mga biktima para kausapin si Rianna Lynn.
Nakapagpadala umano ng text message si Rianna Lynn sa kaibigan at ipinaalam na nasa bahay nila ang suspek.
Sa sumunod na araw, nadiskubre ang bangkay ng mag-ina na may mga saksak sa katawan.
Nakita naman sa surveillance camera ang suspek, kasama ang isang babae na 14-anyos na kinuha ang sasakyan ng mga biktima.
Pero nasangkot sa aksidente ang dalawa.
Nang rumesponde ang mga awtoridad, may nakitang duguang patalim na hinihinalang ginamit ng suspek sa krimen.
Nakumpirma sa digital forensic evidence ang pagpunta ng suspek sa bahay ng mga biktima, at ang Bluetooth connection sa cellphone ng suspect mula sa sasakyan ng mga biktima.
Umaasa ang Filipino community sa Pennsylvania na makakamit ng mag-ina ang hustisya.—FRJ, GMA Integrated News