Inihayag ng Department of Foreign Affairs (DFA) nitong Miyerkoles na nasa 59 Pilipino ang nahaharap sa parusang kamatayan sa iba't ibang bansa.
Sa ipinadalang mensahe ni Foreign Affairs Usec. Eduardo De Vega sa GMA News Online, sinabi niya na karamihan sa mga Pinoy na nasa death row ay may kaso tungkol sa pagpatay.
“Most are in countries with an informal moratorium on death penalty,” ayon sa opisyal, na binanggit ang mga bansang Malaysia at Saudi Arabia.
“For those in countries like Saudi Arabia, we continue to try to find ways for them to be pardoned by families of the persons they killed,” dagdag ni De Vega.
Kabilang si Mary Jane Veloso sa mga Pilipino na nasa death row pero nakaligtas siya sa parusang kamatayan sa Indonesia.
Nitong Miyerkules ng umaga, dumating na sa Pilipinas si Veloso upang dito na bunuin ang kaniyang sentensiya na pagkakabilanggo.
Umaasa si Veloso na mabibigyan siya ng clemency ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., para makalaya na.
“There has been no decision made yet whether or not she will be granted executive clemency,” said Executive Secretary Lucas Bersamin.
Samantala, umaasa ang ilang senador na lalo pang paiigtingin ng pamahalaan ang pagtulong sa mga Pinoy na nakakulong sa ibang bansa matapos makauwi sa Pilipinas si Veloso.
Sa isang pahayag, sinabi ni Senate President Francis "Chiz" Escudero na pangunahing tungkulin ng Department of Migrant Workers (DMW) at mga embahada at konsulado ng Pilipinas sa ibang bansa na iparamdam sa mga OFW na, "the long arm of government to protect and shield them whenever they need help."
"Let this also be a wake-up call for all of us to focus on the plight of similarly situated Filipinos... We should, therefore, ask the DFA - as I am now asking them - to inventory and make an accounting of Filipinos who are incarcerated in a foreign country… the nature of the cases against them. What has or can be done to help them regain their liberty," ayon sa lider ng Senado.
"How we can assist to make their detention, in the meantime, more bearable. To check with their families here if they are alright and how we can help them visit and see their loved one deprived of their liberty abroad," dagdag niya.
Iminungkahi din niya na pag-aralan ang pagkakaroon ng kasunduan sa ibang bansa ng "prisoner swap" para mga dayuhan nakapiit sa Pilipinas.
May katulad na mungkahi rin si Senate foreign relations committee chairperson Imee Marcos tungkol sa pagpapalit ng Pinoy na nakadetine sa ibang bansa upang dito na lang sa bansa bunuin ang kanilang sintensiya.
"Paulit-ulit at masidhi kong itinutulak yung transfer of sentenced person sa ibang bansa, 'yung mga Pilipino na napapatawan ng kaso at nakukulong, kung maaari meron tayong kasunduan o kaya treaty doon sa iba’t ibang bansa," pahayag ng senadora sa panayam.
"Dito na lamang sa Pilipinas sila mag-serve ng kanilang parusa kasi kahit papaano malaking bahagi ng ating sistema ay yung tinatawag na rehabilitation na kung maaari may second chance pa 'yung nagkamali," dagdag niya.
Nais din nina Senate President Pro Tempore Jinggoy Estrada at Sens. Joel Villanueva at Raffy Tulfo, na paigtingin ng gobyerno ang pagsubaybay at pagkakaloob ng legal na tulong para sa Pinoy sa abroad na may kinakaharap na mga kaso.—FRJ, GMA Integrated News