Hinatulan ng korte na makulong ng 15 taon ang menor de edad na akusado sa karumal-dumal na pagpatay sa OFW na si Jullebee Ranara sa Kuwaiti.
Ayon sa Department of Foreign Affairs nitong Huwebes, bukod sa 15 taon na pagkakakulong dahil sa kasong murder, pinatawan din ng isang taon na pagkakakulong ang menor de edad dahil sa pagmamaneho ng walang lisensiya.
Sinabi ng DFA na naging mas mababa ang parusa dahil sa pagiging menor de edad ng nasasakdal.
Maaari umano nitong iapela ang hatol sa loob ng 30 araw sa Court of First Instance.
"The family of the OFW has been informed and is grateful for the assistance provided them by the government," ayon sa DFA.
"The Philippine Government is similarly appreciative of the efforts undertaken by the Kuwaiti authorities to effect a speedy resolution of the case, in the pursuit of justice for our slain kababayan," dagdag nito.
Matatandaan na nitong nakaraang Enero nang makita sa disyerto ang sunog na bangkay ng biktima.
Naaresto ang 17-anyos na anak ng amo ng OFW.
Lumitaw na ginahasa at nabuntis niya ang biktima.
Nangako naman si Kuwaiti Minister of Foreign Affairs Sheikh Salem Abdullah Al-Jaber Al-Sabah noong Enero na papanagutin ang nasa likod ng naturang karumal-dumal na krimen.—FRJ, GMA Integrated News